Ang Tore ng Babel[1] (Ebreo: מגדל בבל Migdal Bavel Arabe: برج بابل Burj Babil), ayon sa kabanata 11 ng Aklat ng Henesis ng Lumang Tipan ng Bibliya, ay isang malaking toreng itinayo sa lungsod ng Babel, ang pangalang Hebreo para sa Babilonya (sa Akadyano: Babilu). Batay sa salaysay ng Bibliya, isang nagkakaisang sangkatauhan, na nagsasalita ng "iisang wika at salita" lamang at lumipat mula sa silangan, ang nakilahok sa pagtatagyo nito pagkaraan ng Malaking Baha. Tinatawag din ang pagtatayo ng Tore ng Babel bilang "simula" ng kaharian ni Nemrod[1] (o Nimrod). Pinagpasyahan ng mga taong magkaroon ng isang mataas at malaking tore ang kanilang lungsod na "Magtayo tayo ng isang lunsod at ng isang tore na ang taluktok ay aabot sa mga langit!" Subalit, itinayo ang tore hindi para sa pagsamba at pagpupuri sa Diyos, sa halip para sa kaluwalhatian ng tao, na may hangarin o motibong gumawa ng "pangalan" para sa mga tagapagtayo: "Igawa natin ang ating sarili ng isang pangalan, baka tayo magkahiwa-hiwalay sa balat ng lupa." (Henesis 11:4). Nang makita ang ginagawa ng tao, ginulo at pinag-iba-iba ng Diyos ang kanilang mga wika at "pinaghiwa-hiwalay sa balat ng lupa mula sa pook na yaon".[1] Orihinal na layunin ng Diyos na palakihin o paramihin at punuin ng tao ang mundo. Sa mga kasulatang Hebreo, inilalarawan si Nemrod bilang isang malaakas o "bantog na mangangaso" sa "harap ng Panginoon".[1]
Batay sa paliwanag ni Jose Abriol, ang Tore ng Babel ay hindi lang ang tanging dahilan ng "pagkakaiba-iba ng mga wika ng tao", bagkus ay isa ring "maliwanag na tanda ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos" kaysa tao, kaya't hindi maaaring "magtamo ng pagkakaisa" ang mga tao sa pamamagitan ng "kanilang sariling lakas lamang".[1]
With £ove,